Sa pagtatapos ng tatlong linggong pagsasanay sa pamamaraan ng pagsusuri ng lupa, tubig, pataba, at tisyu ng halaman, 12 miyembro ng Philippine National Soil Laboratory Network (Phil NASOLAN) ang naglaan ng kanilang panahon upang matutunan ang mga pagsusuring kemikal at mikrobiyolohikal na inaalok na serbisyo ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM). Ang ilan sa kanila ay nagsimula pa ng pagsasanay noong Hulyo 28 ng kasalukuyang taon.

Ang mga kalahok ay nagmula sa iba’t ibang kilalang unibersidad, pasilidad ng pananaliksik, at ahensya ng pamahalaan upang maihanay ang kanilang kaalaman at kasanayan alinsunod sa Kautusan ng Pangulo Blg. 1435 s. 1978 (PD 1435 s. 1978), na nag-aatas sa BSWM na magsagawa ng mga naturang gawain.

Sa pangunguna ng Quality Manager ng Laboratory Services Division (LSD) at kasalukuyang Direktor ng BSWM, Dr. Gina Parde-Nilo, natapos ang tatlong linggong pagsasanay noong ika-15 ng Agosto ang kasalukuyang taon. Ang mga kasanayang nakamit ng mga kalahok ay ginagamit nila sa kani-kanilang mga laboratoryo. Sa huling linggo ng pagsasanay, aktibong nakibahagi ang lahat sa mga aktibidades upang masiguro ang epektibong pagsasalin ng kaalaman sa kanilang mga tanggapan. Nagpaabot ng panghuling mensahe si Assistant Director Denise A. Solano sa mga nagsipagtapos at pinaalala na palagiang makipag-ugnayan sa BSWM para magtulungan at maulit ang mga ganitong pagsasanay.

Kabilang sa mga paksang tinalakay at ginawa ay ang pagsusuri ng pH, electrical conductivity (EC), posporo, potasyo, at sodyo sa tubig irigasyon; nitrogeno, potasyo, at organikong karbon sa organikong pataba at tisyu ng halaman. Tinalakay din ang mga ipinatupad na programa sa katiyakan ng kalidad ng mga resulta ng laboratoryo, kabilang ang pagtiyak ng katumpakan (accuracy) gamit ang iba’t ibang sangguniang pamantayan gaya ng Eurachem, AOAC, APHA AWWA, at iba pa.

Sa biyolohiyal na aspeto, tinalakay ang (1) Tamang hakbang sa pangongolekta ng lupang ipapasuri pang biyolohikal, (2) Mga alituntunin sa pagsasagawa ng pagsusuring mikrobiyolohikal, (3) Microbial Population Count o ang pagbibilang ng populasyon ng mikrobyo sa lupa, pataba at tubig pang agrikultura, (4) Produksyon at wastong gamit ng Trichoderma harzianum (4) Soil Respiration bilang indikasyon ng biyolohikal na kalusugan ng lupa at (5) Microbial isolation and identification o ang pagbubukod at pagtukoy ng pagkakakilanlan ng mga mikrobyo upang magamit sa pananaliksik pang agrikultura. 

Nais mo rin bang makasali sa mga LIBRENG pagsasanay ng BSWM? Halina’t sumali sa Phil NASOLAN at maging bahagi ng pamilya. Para sumali, mag-email lamang sa pd1435@bswm.da.gov.ph at maging bahagi ng Network.

#BagongPilipinas
#ParaSaMasaganangBagongPilipinas
#DABSWM
#BSWMBagongPilipinas
#LupatTubigPagingatanAtPangalagaan