Labindalawang karagdagang Composting Facility for Biodegradable Waste – Vermicomposting Technology (CFBW-VT) ang ipinagkaloob ng DA – Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM) sa mga benepisyaryo sa Davao Region (Rehiyon XI) upang mapalakas ang produksyon ng organikong pataba at maisulong ang pamamahala ng mga nabubulok na basura.

Noong Agosto 10 hanggang 13, 2026, nagsagawa ang Soil and Water Access Team ng Rehiyon XI ng pagsasanay at inspeksyon sa mga lalawigan ng Davao del Sur at Davao Occidental. Layunin nitong tiyaking hindi lamang maihatid ang kagamitan sa mga benepisyaryo, kundi naipakaloob din ang kinakailagang kaalaman at teknikal na kakayahan upang magamit at mapanatili ang mga ito nang maayos.

Ang mga pasilidad ng CFBW-VT ay nagsisilbing mahalagang tulong sa mga magsasaka at lokal na pamahalaan. Ito ay nagpoproseso ng mga nalalantang basura mula sa sakahan, palengke, at tahanan upang gawing organikong pataba. Ang naturang pataba ay nakapagbibigay ng sustansya at muling bumubuhay sa lupa, na nagiging daan sa mas produktibong ani at mas matibay na sistemang pang-agrikultura.

Isinagawa ang Level 1 Training na tumalakay sa:

  • Proper Operation – tamang paggamit ng pasilidad
  • Basic Troubleshooting – pagresolba sa karaniwang problema
  • Maintenance – wastong pangangalaga at pagpapatuloy ng operasyon

Ang pagsasanay ay pinangunahan ng mismong supplier ng pasilidad upang matiyak na ang bawat benepisyaryo ay may sapat na kaalaman at teknikal na kakayahan sa paggamit nito.

Samantala, ang Inspection Team ng BSWM sa Rehiyon XI na binubuo nina Sharon Elvi Marie Cachopero, Mark Anthony Paga, Eddie Bentuzal, at Christian Paul Regidor ay masusing nagsuri sa kalidad, estruktura, at kahandaan ng mga pasilidad upang matiyak ang pagsunod sa itinakdang pambansang pamantayan. | via. Mark Anthony Paga, NSWRRDC HighPEZ

DA #BSWM #MasaganangAgrikultura #MaunladNaEkonomiya #BagongPilipinas #ParaSaMasaganangBagongPilipinas