Matagumpay na naisagawa ang pamamahagi ng mga fertilizer inputs sa Barangay Pook, Kalibo, Aklan sa pangunguna ng Department of Agriculture – Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM), at pamamahala ng Soil and Water Access Team Region 6 – Soil and Water Resources Research Division. Ang aktibidad na ito ay bahagi ng pagpapatupad ng Adaptive Balanced Fertilization Strategy (ABFS) sa ilalim ng National Soil Health Program (NSHP) na naglalayong mapanatili at mapabuti ang kalusugan ng lupa sa mga sakahan sa pamamagitan ng balanseng paggamit ng organikong at inorganikong pataba.








Umabot sa 155 na magsasaka mula sa Kalibo ang nabenepisyuhan ng programa, na sumasaklaw sa kabuuang 100 ektarya ng palayan. Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng fertilizer package para sa bawat ektarya ng kanilang sakahan na kinabibilangan ng: apat (4) na sako ng Urea (46-0-0), apat (4) sako ng Complete Fertilizer (14-14-14), isang (1) sako ng Muriate of Potash o MOP (0-0-60), dalawang (2) kilo ng Zinc Sulfate, at sampung (10) sako ng Organic Fertilizer.








Ang programang ito ay bahagi ng patuloy na pagsuporta ng DA-BSWM sa sektor ng agrikultura upang mapataas ang ani, mapanatiling malusog ang lupa, at matiyak ang sapat na suplay ng pagkain para sa bawat Pilipino. Lubos ang pasasalamat ng mga magsasaka sa DA-BSWM at sa Lokal na Pamahalaan ng Kalibo sa kanilang walang-sawang suporta at malasakit. Sa pamamagitan ng mga programang tulad nito, mas napapalakas ang tiwala ng mga magsasaka sa mga inisyatiba ng gobyerno tungo sa isang masagana, matatag, at makakalikasang agrikultura.
Rizelda C. Aquino , Soil and Water Resources Research Division
#DA #BSWM #DABSWM #BSWMBAGONGPILIPINAS #MasaganangAgrikultura #MaunladNaEkonomiya #BagongPilipinas #ParaSaMasaganangBagongPilipinas



