Dalawampung (20) katutubong miyembro ng Samahang Tribu ng Dumagat/Remontado ng Brgy. San Andres (STDRBSA) ang nabigyang pagsasanay ng DA-Bureau of Soils and Water Management (BSWM) sa pangunguna ng National Soil and Water Resources Research and Development Center for Hillyland Pedo-Ecological Zone (NSWRRDC HILLPEZ) sa ilalim ng 2026 Sustainable Hillyland Farming Technologies and Practices for Soil and Water Conservation and Management for Agriculture (SHiFT for SWaC Agriculture) Batch 1. Isinagawa ang aktibidad noong Marso 31, 2026 sa NSWRRDC HILLPEZ Conference Room sa Brgy. Cuyambay, Tanay, Rizal.

Napili ang samahan bilang kalahok sa programa bilang tugon sa kanilang kahilingan na mapalawak ang kanilang kaalaman sa paggamit ng Mokusaku at Vermicomposting Facility na kanilang natanggap sa ilalim ng DA 4K (Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo) Program. Kaugnay nito, nagkaroon ng mga presentasyon hinggil sa “Mokusaku Technology” at “Vermicomposting Technology sa Pamamaraan ng NSWRRDC HILLPEZ”, na sinundan ng aktuwal na pagbisita sa mga pasilidad ng Center upang mas maunawaan ng mga kalahok ang mga teknolohiyang ito para sa organikong pagsasaka.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, nagpahayag ng pasasalamat ang mga kalahok. Ayon kay Gilbert Lopez, Pangulo ng STDRBSA, “Malaking tulong po ang pagsasanay na ito sa aming samahan upang mas mapahusay pa namin ang aming kaalaman sa organikong pagsasaka. Sisikapin po naming maisabuhay at maibahagi ito sa aming komunidad.” Samantala, pagbabahagi naman ni Myrna Velasco, miyembro ng STDRBSA, “Nagpapasalamat po kami sa BSWM sa pagbibigay ng ganitong oportunidad. Hinihikayat namin ang aming mga kasamahan na patuloy pang matuto at gamitin ang mga natutunang teknolohiya para sa mas maayos na kabuhayan.”
Ang Sustainable Hillyland Farming Technologies and Practices for Soil and Water Conservation and Management for Agriculture (SHiFT for SWaC Agriculture) ay ang capacity-building program ng NSWRRDC HILLPEZ na layuning mas mapalawig ang kaalaman sa sustenableng pangangalaga at pamamahala ng lupa at tubig ng bawat magsasaka, kabataan at mag-aaral, at iba pang bahagi ng hillyland farming community.



