Bilang pagpapatuloy sa pagpapaunlad ng kaalaman ng mga magsasaka sa sustenableng pagsasaka, isinagawa ng DA-Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM) sa pangunguna ng National Soil and Water Resources Research and Development Center for Hillyland Pedo-Ecological Zone (NSWRRDC HILLPEZ) ang ikalawang bahagi ng “Capacity Building of Hillyland Farmers on the Production and Utilization of Organic Inputs” noong ika-8 ng Oktubre 2025, sa NSWRRDC HILLPEZ Conference Room, Cuyambay, Tanay, Rizal.

Ang aktibidad, na muling nilahukan ng 25 na miyembro ng Cuyambay Natural Farmers Association (CUNAFA) ay bahagi ng proyekto na Technology Promotion of Organic Farming for Sustainable Land Management in the Hillyland Area (TechPrOFSLM), na layuning isulong ang paggamit ng mga organikong teknolohiya para sa mas produktibo at mas maayos na pamamahala ng lupa sa mga dahilig na lugar.

Tampok sa pagsasanay ang lecture na “Wastong Pamamahala ng Lupa sa mga Dahilig na Lugar”, na tinalakay ni Senior Science Research Specialist Roosbelt P. Creencia. Ibinahagi sa naturang topic ang iba’t ibang teknolohiyang ginagamit sa tamang pangangalaga ng lupa sa mga dahilig na sakahan upang matiyak ang pangmatagalang kasapatan ng ani at kalusugan ng lupa.

Nakibahagi din ang mga kalahok sa transplanting activity sa vegetable technology demonstration ng proyekto. Sa aktibidad na ito, nakita ng mga magsasaka ang aktwal na pamamaraan ng organikong pagsasaka gamit ang mga sustenableng teknolohiya sa pamamahala ng lupa.

Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, patuloy na isinusulong ng DA-BSWM-NSWRRDC HILLPEZ ang pagtuturo at pagpapalaganap ng organikong pagsasaka bilang susi sa mas matatag na agrikultura at mas malusog na kalikasan sa mga hillyland areas ng bansa.

Marco T. Macopia, NSWRRDC HILLPEZ

#DA #BSWM #MasaganangAgrikultura #MaunladNaEkonomiya #BagongPilipinas #ParaSaMasaganangBagongPilipinas #AgriFisheryR4DWeek