Pinalawak ang kaalaman ng 62 na magsasaka mula sa Amiroy Farmers Association tungkol sa balanseng paggamit ng pataba para sa palay sa pamamagitan ng ABFS-Rice Technical Briefing and Capacity Building na isinagawa noong Setyembre 2, 2026 sa Amiroy, Mina, Iloilo.
Ito ay bahagi ng National Soil Health Program (NSHP) ng Department of Agriculture – Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM), na naglalayong maitaguyod ang mas angkop at balanseng pamamahala ng soil health para sa produksyon ng palay.
Tinalakay ni Dr. Karen S. Bautista, Team Leader, ang kahalagahan ng ABFS at ang mga tungkulin ng BSWM at Amiroy Farmers Association sa pagpapatupad ng proyekto, habang ibinahagi naman ni Engr. Renz Kriztian P. Briol, Assistant Team Leader, ang ABFS protocol at mga gabay sa pagpapatupad nito.
Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan ng Mina – Municipal Agricultural Office na sina Engr. Xykster Pelaez at Engr. Chrismar A. Balbuena, DA Regional Field Office VI, Representative, Ms. Pingky Adolacion, Municipal Agriculture and Fisheries Council Chair (MAFC), Nelson C. Bero at DA-BSWM.
Namahagi rin ang DA-BSWM ng organic fertilizer sa mga magsasakang kalahok bilang bahagi ng suporta sa pagpapatupad ng ABFS-Rice at pagpapalaganap ng sustainable land/soil management.
Nagkaroon din ng Open Forum kung saan nakapagtanong at nakapagbahagi ng karanasan ang mga magsasaka tungkol sa produksyon ng palay, pamamahala ng soil health, at paggamit ng organic fertilizer.
Tatagal nang dalawang taon ang pagpapatupad ng proyekto upang masubaybayan at masuri ang epekto ng ABFS sa kalusugan ng lupa at ani ng palay sa mga sakahan. Patuloy itong ipatutupad at palalawakin batay sa magiging resulta at performance ng teknolohiya sa lugar.
Sa pamamagitan ng programa, layunin ng DA-BSWM na matulungan ang mga magsasaka sa paggamit ng mas angkop at balanseng pataba, mapabuti ang kalusugan ng lupa, at masuportahan ang mas sustainable na produksyon ng palay.




















#BagongPilipinas
#ParaSaMasaganangBagongPilipinas
#BSWMBagongPilipinas
#ABFS
#SoilHealth



