Upang higit na mapalawak ang kaalaman sa Sustainable Land Management (SLM), naglunsad ng isang Capacity Building Activity ang Department of Agriculture – Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM) para sa mga magsasaka ng Balasan, Iloilo noong Mayo 19–20, 2026. Sa pangunguna ng Soil Conservation and Management Division (SCMD), ang pagsasanay ay nakatuon sa tamang pamamahala ng mga Watershed ng Small Water Impounding System (SWIS).
Katuwang ang DA – Regional Field Office (RFO) VI, Local Government Unit (LGU) ng Balasan at Barangay Batuan, matagumpay na nakiisa sa programa ang mga kasapi ng Barangay Batuan Small Water Irrigation System Association (BBSWISA) at Batuan Corn Farmers Association (BATCORFA).Ang mga kalahok ay nagmula sa bayanng Balasan, ang mismong lokasyon kung saan ipinapatupad ang proyektong Watershed Management and Development ng mga SWIS.
Naging pangunahing sentro ng talakayan ang iba’t ibang pamamaraan ng SLM. Tinalakay din nang detalyado ang mga isyu ukol sa pagkaagnas ng lupa o soil erosion, kung paano ito maiiwasan o masosolusyunan, at ang pagsasagawa ng contouring gamit ang A-frame at T-frame. Bukod pa rito, binigyang-diin sa usapan ang tamang pagpaplano ng mga lupain sa pagsasaka, ang wastong pagkolekta ng lupang ipapasuri, at ang pagtatala ng mga gastusin at gawain sa pagsasaka.
Bukod sa mga talakayan, sumalang din ang mga magsasaka sa isang hands-on training. Dito ay aktuwal silang tinuruan kung paano bumuo at gumamit ng A-frame at T-frame para sa contour farming, gayundin ang pagbalangkas ng plano para sa kanilang lupain gamit ang mga makabagong teknolohiya ng SLM. Ito ay lubos na ikinagalak ng mga kalahok at ayon sa kanila ay nagkaroon na sila ng sapat na kaalaman kung paano gagawing sustenable ang pagsasaka hindi lamang sa parte ng watershed ng SWIS kundi pati na rin sa mga sinasaka nilang lupa sa mga dahilig na lugar, upang ito ay mapakinabangan pa ng mga susunod na henerasyon. | via Ms. Mariecar F. Gumafelix, PDO I; Engr. Dianne Michelle A. Roque, Engineer II SCMD
#DA #BSWM #MasaganangAgrikultura #MaunladNaEkonomiya #BagongPilipinas #ParaSaMasaganangBagongPilipinas
#DA #BSWM #MasaganangAgrikultura #MaunladNaEkonomiya #BagongPilipinas #ParaSaMasaganangBagongPilipinas
































































