Nagtipon ang mga stakeholder at kawani ng DA-Bureau of Soils and Water Mangaement (DA-BSWM) noong Abril 23, 2026 para sa pormal na talakayan ng farm plan na gagamitin sa pagbuo ng Sustainable Land Management Exemplar Site (SLMES) sa watershed ng Mangilala SWIP, Tantangan, South Cotabato. 

Sa pangunguna ng Soil Conservation and Management Division (SCMD), inilatag ng DA-BSWM ang mga teknikal na mapa; kabilang ang topography, slope at land use, upang matiyak na angkop ang farm development plan at planting pattern sa kondisyon ng lupa sa lugar. Ang naturang pagtalakay ay dinaluhan ng Mangilala Irrigators Association at mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Ms. Analie B. Castillo, Municipal Agriculturist ng Tantangan. Nagbahagi rin ang mga kalahok ng mga mungkahi at rekomendasyon upang higit na mapahusay ang planong pagpapaunlad sa watershed area.

Samantala, isinagawa rin ang isang site validation noong Abril 22 sa Columbio, Sultan Kudarat bilang paghahanda sa susunod na yugto ng proyekto. Ang pangkat ng BSWM, kasama ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan at Samahan ng mga Magsasaka ng New Ilocos (SAMANI), ay nagtungo sa New Ilocos SWIP upang suriin ang kalagayan ng naturang watershed area. Natuklasang kalakhang bahagi ng lugar ay damuhan na may bakas ng pagkakaingin at may palatandaan ng erosyon dulot ng kakulangan ng puno at vegetative cover.

Layunin ng hakbang na ito na mapatatag ang implementasyon ng proyekto at matiyak ang aktibong pakikilahok ng mga magsasaka sa pagsusulong ng mga makakalikasang pamamaraan at wastong pamamahala ng lupa at tubig sa watershed area.

Writer and Photographer: Engr. Julius John Teodoro, and Engr. Jethro Miñano

#DA #BSWM #MasaganangAgrikultura #MaunladNaEkonomiya #BagongPilipinas #ParaSaMasaganangBagongPilipinas