Bilang bahagi ng pagpapalawak ng implementasyon ng Adaptive Balanced Fertilization Strategy (ABFS) for Rice, higit isandaang (100) magsasaka ng palay sa bayan ng Siniloan, Laguna ang magiging bagong benepisyaryo o farmer-cooperators ng proyekto ng Department of Agriculture – Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM). Ang mga magsasaka ay mga miyembro ng Macatad Farmers Association (MaFaA) at ng Romelo Pinaet Irrigators Association.
Upang masiguro ang maayos na implementasyon ng proyekto sa bayan, nagsagawa ang DA-BSWM, sa pangunguna ng National Soil and Water Resources Research and Development Center for Hillyland Pedo-Ecological Zone (NSWRRDC HILLPEZ) ng Capacity Building and Technical Briefing noong ika-19 ng Mayo 2026 na ginanap sa Municipal Agriculture Office, Siniloan, Laguna. Layunin ng aktibidad na higit pang maipakilala ang proyekto at mabigyang-linaw ang mga katanungan, kuro-kuro, at posibleng agam-agam ng mga magsasaka hinggil sa implementasyon nito.
Sa talakayan, ipinaliwanag ni Science Research Specialist II Lowell C. Bernados ang kabuuang overview ng proyekto at binigyang-diin na ang pangunahing layunin ng ABFS ay ang pagpapanumbalik at pagpapanatili ng kalusugan ng lupang sakahan upang makamit ang mas produktibo at sustenableng produksyon ng palay. Sinundan ito ng presentasyon ni Senior Agriculturist Melody M. Orogo tungkol sa Project Protocol, kung saan tinalakay ang mga hakbang at gawaing kailangang sundin ng mga farmer-cooperators sa buong implementasyon ng proyekto sa kanilang bayan.
Samantala, ipinresenta naman ni Agriculturist II Aubrey Ann B. Ayaton-Carneo ang nilalaman ng Memorandum of Agreement (MOA), kung saan tinalakay ang mga tungkulin at responsibilidad ng bawat indibidwal na bahagi ng proyekto, lalo na ng mga magsasakang benepisyaryo. Sinundan naman ito ng pagpapakita ni Agriculturist II Marco T. Macopia ng “Gabay sa Pag-aabono.” Binigyang-diin n’ya na importante ang pagtatala ng mga impormasyon dito dahil bahagi ito ng mga datos na kailangan ng proyekto.
Bukod sa mga farmer beneficiaries/cooperators, kasama rin sa aktibidad ang mga kawani mula sa Office of Provincial Agriculturist (OPAg), at DA-Agricultural Program Coordinating Office (APCO). Gayundin ang mga kawani ng Municipal Agriculture Office sa pamumuno ni Municipal Agriculturist Engr. Carlo D. Realeza, na magiging katuwang ng DA-BSWM sa implementasyon ng proyekto sa bayan. Ang aktibidad ay pinasinayaan din ni Siniloan Mayor Engr. Patrick Ellis Z. Go, Ph.D., na nagpahayag ng suporta sa proyekto at sa mga magsasakang magiging bahagi nito.
Sa mga susunod na araw, sisimulan na ng BSWM ang pamamahagi ng mga organiko at inorganikong pataba na gagamitin ng mga farmer-cooperators alinsunod sa protocol ng proyekto. Inaasahang makatutulong ang mga ito upang mapabuti ang ani at mapanatili ang kalusugan ng lupa sa mga sakahan sa Siniloan.












#BSWM
#BSWMBagongPilipinas
#BSWMABFS
#ParaSaMasaganangBagongPilipinas
#MasaganangAgrikultura
#MaunladNaEkonomiya



