Sumailalim sa tatllong araw na pagsasanay ang mga miyembro ng Moises Padilla Irrigators Association na pinamumunuan ni Farmer Leader Sarah S. Villaflor tungkol sa Soil Health Restoration at Adaptive Balanced Fertilization Strategy (ABFS) na isinagawa ng DA-Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM), sa pamamagitan ng Water Resources Management Division (WRMD) noong Hunyo 17–19, 2025 sa Brgy. Magallon Cadre, Moises Padilla, Negros Occidental.

Ang 30 miyembro ng nasabing asosasyon ay aktibong umahok sa mga interactive na talakayan, workshop, at aktwal na demonstrasyon sa bukid na layuning palawakin ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pamamahala ng lupa at sustansya para sa pananim. 

Binuksan ang programa sa pamamagitan ng mainit na pagtanggap at inspirasyonal na mensahe mula kay Municipal Agriculturist Dr. Ann Dyana B. Gayona. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalusugan ng lupa at ang paggamit ng mga siyentipikong pamamaraan upang masiguro ang pangmatagalang produktibidad ng sakahan at seguridad sa pagkain. Hinikayat din niya ang mga kalahok na yakapin ang mga maka-agham at makakalikasang kasanayan sa kanilang pagsasaka.

Ang mga tagapagsalita at tagapagpadaloy ng pagsasanay ay sina:
• Bb. Cherry A. Erro, Agriculturist II at Team Leader
• G. Ronilo L. Capitanea, Agriculturist I, DA RFO VI – Regional Soils Laboratory
• Bb. Retchie Ann B. Feca, Community Development Officer II, nakatalaga sa DA-RFO VI
• G. Shieldon Dove D. Bulawan, Community Development Officer I, nakatalaga sa DA-NIR

Ang komprehensibong pagsasanay na ito ay hindi lamang nagpahusay sa teknikal na kakayahan ng mga lokal na magsasaka kundi nagtaguyod din ng pagtutulungan at pagbabahagi ng responsibilidad tungo sa mas napapanatili at matatag na agrikultura. Nakamit ng mga kalahok ang mahahalagang kaalaman ukol sa pamamahala ng lupa, tubig, at pananim; mga rekomendasyon at protokol ng ABFS; kahalagahan ng organikong pataba at mga benepisyo nito sa lupa; tamang paraan ng pagkuha ng soil sample at aktwal na demonstrasyon; soil analysis gamit ang soil test kit; at ang mahalagang papel ng asosasyon sa pagpapatupad ng ABFS.

Ang aktibong partisipasyon ng mga organisasyong SWISA, kalakip ang walang sawang suporta ng mga katuwang na ahensya, ay lalong nagpapatibay sa pagpapatupad ng mga napapanatiling kasanayan sa pagsasaka—na nagsisilbing pundasyon para sa mas malusog na lupa, mas mataas na ani, at mas ligtas na kinabukasan sa pagkain.

Saludo kami sa ating masisipag na magsasaka, dedikadong tagapagsanay, at matibay na suporta ng ating mga LGU partners para sa tagumpay ng programang ito. Sama-sama nating pinagyayaman ang lupa at binubuo ang mas masaganang kinabukasan.

Cherry A. Erro, Retchie Ann B. Feca at Shieldon Dove D. Bulawan, WRMD

DA #BSWM #MasaganangAgrikultura #MaunladNaEkonomiya #BagongPilipinas #ParaSaMasaganangBagongPilipinas