Mas pinatatag ng DA – Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM) ang kakayahan ng mga magsasaka sa Sablayan, Occidental Mindoro, sa pamamagitan ng isang re-training sa compost production para sa mga benepisyaryo ng Composting Facility for Biodegradable Waste (CFBW). Sa isinagawang pagsasanay ng Compost Production Implementation Team ng Region IV-B, nabigyan ang mga magsasaka ng mas malalim na kaalaman sa paggawa ng de-kalidad na compost gamit ang mga nabubulok na materyales. Naganap ang re-training noong ika-6 ng Marso 2026.
Sa pangunguna nina Marcelo P. Dayo, Team Leader ng SWAT Region IV-B, at Glenn Raymund M. Serrano, Assistant Team Leader, ipinakita sa mga kalahok ang mga praktikal na pamamaraan upang mapabuti ang produksyon ng compost na maaaring gamitin sa kanilang mga sakahan. Sa pamamagitan nito, inaasahang makababawas ang mga magsasaka sa gastusin sa abono habang napapabuti ang kalusugan ng kanilang lupa at ani.
Bukod sa teknikal na kaalaman, tinalakay rin sa re-training ang wastong operasyon at maintenance ng composting machinery, upang masigurong tuloy-tuloy at episyente ang produksyon ng compost sa kanilang komunidad. Nagkaroon din ng bukas na talakayan kung saan naibahagi ng mga magsasaka ang kanilang mga karanasan at hamon sa paggamit ng pasilidad, habang nakatanggap sila ng praktikal na payo mula sa mga eksperto ng DA-BSWM.
Sa tulong at pakikiisa ng Local Government Unit at Municipal Agricultural Office ng Sablayan, naging matagumpay ang aktibidad na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka na magprodyus ng sariling organic fertilizer, isang hakbang tungo sa mas produktibo, mas matipid, at mas sustenableng agrikultura para sa kanilang komunidad. | via Blislen G. Famini, CPIT
#DA #BSWM #MasaganangAgrikultura #MaunladNaEkonomiya #BagongPilipinas #ParaSaMasaganangBagongPilipinas #CFBW #CompostProduction #CPIT



















