Inorganisa ng DA-Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM) sa pangunguna ng Soil Conservation and Management Division (SCMD) ang tatlong Specialized Capability Enhancement Training ukol sa Sustainable Land Management (SLM) sa ilalim ng Manila Bay Rehabilitation Project (MBRP). Isinagawa ang mga nasabing aktibidad noong buwan ng Mayo sa mga  probinsya ng Bataan, Laguna, at Cavite.

Ang mga pagsasanay na dinaluhan ng mga magsasaka, Local Government Unit (LGU) staff at kinatawan mula sa DA Regional Field Office (DA RFO) ay naganap sa mga bayan kung saan itatayo ang Sustainable Land Management Exemplar Sites (SLMES) para sa taong kasalukuyan– Dinalupihan, Bataan noong ika-6 at 7 ng Mayo; Luisiana, Laguna noong ika-20 at 21 ng Mayo; at Indang, Cavite noong ika-27 at 28 ng Mayo.

Binigyang-diin ng SCMD ang mga konspeto ng Soil Erosion, MBRP Project Overview, MBRP Implementation Strategies, SLM Technologies at Farm Planning upang mapatibay ang kaalaman ng mga stakeholders, na may malaking tungkulin sa pagsasaayos ng kalidad at antas ng lupa. 

Maliban sa mga talakayan, nagkaroon din ng Hands-on Field Exposure kung saan nagkuwento ng kani-kanilang mga karanasan ang mga farmer-cooperator mula sa mga nakalipas na taon ng implementasyon ng MBRP. 

Noong ika-7 ng Mayo sa probinsya ng Bataan, ibinahagi nina Gabriel Francisco ng Roosevelt Upland Farmers Association, Elizabeth Duterte ng Pinulot Upland Farmers Association at Raul Roque ng Samahan ng mga Magsasaka sa Hacienda ang kani-kanilang mga inisyatiba upang mas mapaigting ang SLM sa pang-araw-araw na gawain sa mga sakahan. 

Nagsilbi naman na inspirasyon sa mga kalahok ang mga napuntahang SLMES noong ika-21 ng Mayo sa Laguna. Ang mga nasabing exemplar site ay pinamamahalaan ni Manuelito Salvan ng Luisiana Cacao Growers Association at ni Marlon Talavera ng Galalan Agrarian Reform Beneficiaries Multi-Purpose Cooperative– mga patunay na ang masaganang ani at kabuhayan ay posible sa pagsasaka. 

Samantala, noong ika-27 ng Mayo ay tinalakay ng Regional Crop Protection Center (RCPC) ng DA RFO IV-A ang mga pangunahing peste at sakit ng saging na isa sa mga produkto ng mga magsasaka sa bayan ng Indang. 

Dagdag pa rito, pinalawak ng Laboratory Services Division (LSD) ng DA-BSWM ang kasanayan ng mga magsasaka at LGU Indang tungkol sa tamang pagkuha ng soil sample at paggamit ng Fertright at  Soil Test Kit (STK). Nagkaroon ng pagkakataon ang mga kabilang sa pagsasanay na maranasan ang pagsusuri ng soil sample sa pamamagitan ng hands-on activity sa STK noong ika-28 ng Mayo.

Bitbit ang mga natutuhan sa nasabing mga gawain, ang mga dumalo ay mas handa nang maging katuwang ng DA-BSWM sa pagpapalaganap ng SLM sa kanilang mga komunidad na may iisang adhikain: Sama-sama tungo sa Lupang Masagana. | via Ghar Christian R. Tesorero, Amelene C. Derita at Mary Jemwill L. Lopez, SCMD

(Mga larawan kuha nina: Ghar Christian R. Tesorero, John Renzh P. Acta, Sharmaine Ann C. De Leon, Amelene C. Derita at Mary Jemwill L. Lopez)

#DA #BSWM #MasaganangAgrikultura #MaunladNaEkonomiya #BagongPilipinas #ParaSaMasaganangBagongPilipinas #SustainableLandManagement #Sama-samaTungoSaLupangMasagana #SaLupaMagmumula