Matagumpay na ginanap ang Turn-Over Ceremony ng mga laboratory equipment at service vehicle bilang suporta sa operasyon ng Mobile Soil Laboratory (MSL) sa Department of Agriculture – Regional Field Office Cordillera Administrative Region (DA-RFO CAR) noong Mayo 14, 2026 sa New ILD Building, BABRC Compound, Dontogan, Baguio City.

Itinampok sa programa ang matibay na ugnayan at patuloy na pakikipagtulungan ng DA-Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM) sa pagpapalakas ng mga serbisyong pang-agrikultura at pagpapabuti ng soil laboratory operations sa Rehiyon ng Cordillera.

Pormal na binuksan ang programa sa pamamagitan ng pambungad na pagbati ni Dr. Arlene M. Sagayo, Regional Technical Director for Research and Regulations, kung saan kanyang mainit na tinanggap ang mga panauhin, opisyal, at kawani na dumalo sa nasabing aktibidad. Sinundan ito ng mensahe ni Dr. Gina Parde-Nilo, Director ng BSWM, na nagbigay-diin sa mahalagang papel ng Mobile Soil Laboratory sa pagsusulong ng sustenableng agrikultura at sa pagbibigay ng mas mabilis at mas madaling access sa soil testing services para sa mga magsasaka at iba pang stakeholders sa rehiyon.

Inilahad naman ni Mr. Jodie L. Rico, Head ng BSWM Property Management Unit, ang legal na batayan para sa paglilipat ng mga laboratory equipment at service vehicle, kabilang ang mga alituntunin at patakarang sinusunod sa wastong paglilipat ng mga ari-arian ng pamahalaan.

Naging tampok sa seremonya ang pagpirma ng mga dokumento at ang simbolikong pag-abot ng susi bilang tanda ng opisyal na paglilipat ng mga laboratory equipment at service vehicle sa DA-RFO CAR para sa mas epektibong implementasyon ng operasyon ng MSL. Nagbigay din ng mensahe ng pagtanggap si Ms. Maribel P. Mananguit, Chief, RSL CAR, at nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat para sa suportang ipinagkaloob sa rehiyon. Inilahad din niya ang mga ulat ukol sa operasyon at mga programa ng MSL sa Rehiyon ng Cordillera.

Nagtapos ang programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mensahe ni Dr. Ofelia P. Ducayag, Chief, Integrated Laboratory Division, na nagpasalamat sa lahat ng mga nagsipagdalo, opisyal, at katuwang na naging bahagi ng matagumpay na pagsasagawa ng seremonya at muling pinagtibay ang patuloy na suporta sa pagpapalakas ng mga serbisyong pang-agrikultura para sa kapakanan ng mga magsasaka sa Cordillera Region.

#BSWM
#BagongPilipinas
#BSWMBagongPilipinas
#MasaganangAgrikultura
#MaunladNaEkonomiya