Naghatid ng kaalaman at praktikal na kasanayan sa mga magsasaka ang ikalawang bahagi ng training tungkol sa Sustainable Land Management (SLM) na isinagawa noong August 12–13, 2026 sa Poblacion, Libona, Bukidnon, sa pangunguna ng DA-Bureau of Soils and Water Management – Soil Conservation and Management Division (BSWM-SCMD).

Nilahukan ang pagsasanay ng 30 farmer participants, kabilang ang mga miyembro ng Purok 4A Agricultural Cooperative (PACo) at mga miyembro ng katutubong Higaonon. Sa pagsisimula ng training, nagpaabot ng mensahe ng pagtanggap si Mr. Jeffrey Pahunang, Presidente ng PACo, habang kinatawan naman ni Mr. Ariel Vicente ang Municipal Agriculture Office ng Libona, sa pangunguna ni Engr. James Escañer.

Isa sa mga pangunahing bahagi ng training ay ang diskusyon tungkol sa Soil Sampling, na pinangunahan ni Mr. Jovan Obligado, Science Research Analyst ng Regional Soils Laboratory (RSL)–Region X. Sinundan ito ng aktwal na pagpapakita sa tamang paraan ng pagkolekta ng soil samples para sa analysis. Isinagawa rin ang praktikal na pagsasanay sa paggamit ng Soil Test Kits (STK) na itinuro ni Atty. Rachel B. Thurdis, Chemist II ng RSL–Region X. Sa pamamagitan nito, aktuwal na naranasan ng mga magsasaka ang pagsusuri sa kanilang lupa at natukoy ang ilang mahahalagang chemical parameters gaya ng pH, Nitrogen, Phosphorus, at Potassium (NPK). Ipinakilala rin sa mga kalahok ang FertRight app, isang digital tool na makatutulong sa mga magsasaka upang matukoy ang angkop na dami at paraan ng paglalagay ng abono batay sa resulta ng kanilang soil analysis.

Samantala, nakatuon naman ang ikalawang araw ng pagsasanay sa Pest and Disease Management, na itinuro ni Ms. April Hope Panis, Science Research Specialist II ng DA-Regional Crop Protection Center ng Region X. Tinalakay ang mga karaniwang peste at sakit na maaaring makaapekto sa mga piling pananim at fruit-bearing trees kabilang ang kape, niyog, kalamansi, avocado, mangosteen, saging, at mais. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng maagang pagtukoy sa sintomas, wastong pag-iwas, at angkop na pamamaraan ng pagsugpo sa mga peste at sakit upang mapanatili ang kalusugan at masaganang ani ng mga pananim.

Sa kabuuan, naging daan ang dalawang araw na pagsasanay upang mapalakas ang kakayahan ng mga magsasaka sa tamang pamamahala ng kanilang lupang sakahan. Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga magsasaka sa wastong pangongolekta at pagsusuri ng lupa, at angkop na pamamahala ng mga piling fruit-bearing trees na itatanim sa ibubuong SLM Exemplar Site sa lugar.

Writer: Engr. Jethro Miñano, BSWM-SCMD

Photographer: Engr. Nico E. Villafuerte (BSWM-SCMD) and Mr. Jovan C. Obligado (RSL 10)

#DA #BSWM #MasaganangAgrikultura #MaunladNaEkonomiya #BagongPilipinas #ParaSaMasaganangBagongPilipinas