Sa gitna ng masiglang pagtitipon ng mga magsasaka, isinagawa ang Harvest Festival at Farmers’ Field Day ng Adaptive Balanced Fertilization Strategy (ABFS) for Rice noong ika-14 ng Abril 2026 sa Brgy. San Benito, Victoria, Laguna. Dinaluhan ito ng humigit-kumulang 150 magsasaka na na nakasaksi ng mga resulta ng teknolohiyang kanilang isinasabuhay sa kanilang mga sakahan.
Naging tampok sa aktibidad ang Ceremonial Harvesting, kung saan simbolikong ipinakita ang bunga ng pagtutulungan ng agham at karanasan ng mga magsasaka. Sinundan ito ng isang programa na naglahad ng kabuuang overview ng proyekto, pati na ang mga resulta ng technology demonstration—mga datos at karanasang nagpapatunay sa bisa ng balanseng paggamit ng abono para sa mas mataas na ani at mas malusog na lupa.

Ngunit higit sa mga numero at presentasyon, ang tunay na puso ng programa ay ang mga kwento ng pagbabago—at isa na rito ang karanasan ng farmer-cooperator na si Ronaldo De Torres. Sa kanyang pagbabahagi, inilahad niya kung paano niya buong pusong sinunod ang mga itinakdang protocol ng ABFS, partikular ang tamang paggamit ng organiko at inorganikong abono—mula sa wastong oras ng paglalagay hanggang sa eksaktong dami na kailangan ng kanyang taniman.
Aniya, noong mga nakaraang taon, umaabot lamang sa 40 hanggang 50 cavans ang kanyang ani mula sa kanyang 0.9 ektaryang palayan. Ngunit sa pamamagitan ng gabay ng ABFS at sa kanyang dedikasyon na isabuhay ang mga natutunan, umangat ang kanyang produksyon sa 82 cavans—halos doble ng kanyang dating ani.
“Malaki po ang naitulong ng proyekto. Sinunod ko lang po kung ano ang itinuro sa amin ng BSWM katulad ng kung kailan at gaano karaming abono ang ilalagay. Ngayon, kitang-kita ko ang pagbabago,” pagbabahagi niya.
Ang kanyang kwento ay hindi lamang patunay sa bisa ng teknolohiya, kundi isang inspirasyon sa iba pang magsasaka na bukas ang isip na yakapin ang mga makabagong pamamaraan sa pagsasaka. Sa bawat butil ng palay na kanyang inani, sumasalamin ang pagsisikap, pagtitiyaga, at ang kapangyarihan ng kaalaman.
Sa kabuuan, ang Harvest Festival ay hindi lamang isang selebrasyon ng ani, kundi isang pagdiriwang ng pag-asa at pag-unlad. Ipinakita nito na sa pamamagitan ng tamang kaalaman, teknolohiya, at pagtutulungan, posible ang mas mataas na produksyon at mas matatag na kabuhayan para sa mga magsasaka. Ang tagumpay ni Ronaldo De Torres ay patunay na ang balanseng pagpapabunga ay susi sa masaganang ani—at sa mas maliwanag na kinabukasan ng agrikultura.
#BagongPilipinas
#ParaSaMasaganangBagongPilipinas
#DABSWM
#BSWMBagongPilipinas
#LupatTubigPagingatanAtPangalagaan
#ABFS



