Matagumpay na idinaos noong ika-4 ng Marso 2026 sa liwasan ng Barangay Paetan, Sablayan, Occidental Mindoro ang National Soil Health Program – Adaptive Balanced Fertilization Strategy (NSHP-ABFS) Rice Harvest Festival at Farmers’ Field Day na pinangunahan ng DA-Bureau of Soils and Water Management (BSWM) Soil and Water Access Team (SWAT) Region IV-B. Dinaluhan ang nasabing aktibidad ng humigit-kumulang 70 na farmer-beneficiaries na kabilang sa Small Water Irrigation System Association of Paetan Interior Spring (SWISA-OPIS), mga kinatawan mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Occidental Mindoro, Lokal na Pamahalaan ng Sablayan, at mga opisyal at kawani ng Barangay Paetan.
Sinimulan ang programa sa isang banal na misa na pinangunahan ni Fr. Jeofrey Dantayana, CSS. Matapos nito ay isinagawa ang tampok na ceremonial harvest kung saan nakiisa ang lahat ng mga kalahok sa pag-aani ng palay na isinailalim sa ABFS. Ipinakita sa aktibidad ang magandang resulta ng tamang paggamit at wastong pamamahala ng pataba—mula sa pagpapabuti ng kalusugan ng lupa hanggang sa pagtaas ng ani at kita ng mga magsasaka.
Pormal na binuksan nina G. Diether Miranda at G. Jhan Michael V. Ala ang programa na naglatag ng layunin ng pagtitipon: ang maibahagi ng mga magsasaka ang kanilang kagalakan sa masaganang ani dahil sa tulong ng ABFS sa kabila ng mga suliraning kanilang naranasan, gayundin ang pagpapalaganap ng benepisyo ng teknolohiya ng ABFS sa mas marami pang mga magsasaka.
Nagbigay naman ng mensahe ng pagtanggap si Kgg. Bernardo C. Santiago, Punong Barangay ng Paetan, at nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat sa BSWM at sa Kagawaran ng Pagsasaka sa patuloy na pagbibigay-suporta at teknikal na kaalaman sa kanilang barangay.
Ipinabatid din ni G. Peter L. Gallinera, Municipal Agriculturist ng Sablayan, ang mensahe ni Kgg. Walter B. Marquez, Alkalde ng Sablayan. ang pagbibigay-diin sa malaking ambag ng programa sa pagpapalakas ng produksyon ng palay at sa pagsusulong ng seguridad sa pagkain sa bayan.
Samantala, inilahad ni G. Marcelo P. Dayo, Supervising Agriculturist at Team Leader ng SWAT Region IV-B ng BSWM, ang mahahalagang tagumpay (milestones) ng pagpapatupad ng ABFS sa Barangay Paetan. Ibinahagi rin niya ang mga susunod na hakbang ng BSWM sa pangunguna ni Director Gina Parde-Nilo, Ph.D., upang higit pang mapalawak ang saklaw at epekto ng programa. Ayon pa kay G. Dayo, ang Harvest Festival ay patunay sa kapangyarihan ng pagtutulungan at bukas na pagtanggap sa makabagong teknolohiya tungo sa patuloy na pag-unlad ng sektor ng agrikultura. Pagkatapos nito, ipinamahagi rin ng DA-BSWM ang Soil Test Kits (STK) sa SWISA-OPIS upang magamit nila sa pagsusuri ng kanilang mga kalupaan.
Nagbahagi rin ng patotoo (testimonial) ang ilang farmer-beneficiaries tungkol sa positibong epekto ng ABFS sa kanilang kabuhayan. Ayon kay Myrna Alladin, isang farmer-beneficiary:
“Ako po ay nagpapasalamat sa programang ibinigay po sa atin ng BSWM sapagkat napakalaki po itong suporta para sa aming mga members. Unang-una po roon sa kanilang… fertilizer na ibinigay po sa atin. At lalo’t higit doon sa kanilang ibinigay na tamang hakbang… sa ating pag-a-apply ng abono para mapaunlad po ang ating ani at mapaganda rin po ang ating lupa.”
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina G. Harold Alcaide, Agriculturist II mula sa Provincial Agriculture Office; G. Robert F. Camero, Pangulo ng SWISA-OPIS; Bb. Wilma Sagud, Agricultural Technician; at G. Joel Ordenes, Rice Focal Person, mga mag-aaral mula sa Occidental Mindoro State College – College of Agriculture, at iba pang mga katuwang mula sa lokal na pamahalaan at sektor ng agrikultura.
Patuloy ang DA-BSWM ABFS Region IV-B Implementation Team sa pagbibigay ng teknikal na suporta, pagsasanay, at monitoring tungo sa pagbibigay ng epektibong pagpapatupad ng ABFS sa mga benepisyaryo sa Region IV-B.
Ang pagdaraos ng NSHP-ABFS Rice Harvest Festival ay hindi lamang pagdiriwang ng masaganang ani sa Sablayan, kundi isang mahalagang hakbang sa pagsusulong ng sama-samang pagkilos para sa wastong pamamahala ng lupa at sustenableng produksyon ng pagkain. Taos-pusong nagpapasalamat ang BSWM sa lahat ng nakiisa at naging bahagi ng matagumpay na aktibidad na ito. Patuloy ang ahensya sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at mga magsasaka tungo sa mas masagana, matatag, at food-secure na Bagong Pilipinas.
(Dan Lemuel R. Laluces, Information Office)
DA #BSWM #MasaganangAgrikultura #MaunladNaEkonomiya #BagongPilipinas #ParaSaMasaganangBagongPilipinas





































































