Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Soil Conservation Month na may temang, “Lupa: Pagkain, Seguridad, Buhay,” matagumpay na isinagawa ang Tree Planting Activity sa Barangay Kapatagan, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat noong ika-17 ng Hunyo 2026. Layon ng aktibidad na ito ang patuloy na pagsusulong ng sustenableng pamamaraan ng pagsasaka upang mapataas ang produksyon habang pinangangalagaan ang kalikasan.

Sa pangunguna ng DA-Bureau of Soils and Water Management (BSWM) Sustainable Land Management (SLM) Corn Project, nakiisa ang mga kinatawan ng Lokal na Pamahalaan ng Senator Ninoy Aquino (SNA), Sultan Kudarat sa pamumuno ni Hon. Rafael George L. Flauta III, Municipal Mayor, kasama si Engr. Julie Mie Y. Belongan, Regional Corn Coordinator ng DA Regional Field Office (RFO) XII, at si Cherry Anne L. Difuntorum, Municipal Agriculturist, gayundin ang farmer cooperators at mga samahan ng mga magsasaka sa isinagawang pagtatanim ng mga punla ng kape bilang bahagi ng pagsusulong ng napapanatiling agrikultura at kabuhayan sa komunidad.

Sa pamamagitan ng mga gawaing tulad ng tree planting, isinusulong ang pangangalaga at sustenableng pamamahala ng ating mga likas na yaman. Ito ay isang mahalagang hakbang upang mapanatili ang kalusugan ng ating kapaligiran at matiyak ang sapat at matatag na produksyon ng pagkain para sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon. | Jamilyn R. Santos, SCMD