Ang DA-Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM) ay nakiisa sa Kagawaran ng Pagsasaka sa pagdiriwang ng Buwan ng Magsasaka at Mangingisda na may temang “Masaganang Agrikultura, Maunlad na Ekonomiya.” Ang pagdiriwang ay ginanap ngayong araw, 15 Mayo 2023, sa DA-BSWM Lopez Convention Hall.

Nagbigay ng kani-kanilang mensahe para sa pagdiriwang sina Senior Undersecretary Domingo F. Panganiban, Department of Agriculture (DA); Dr. Lionel Dabbadie, Food and Agriculture Organization of the United Nations Country Representative; Honorable Wilfrido Mark M. Enverga, Chairperson, Lower House Committee on Agriculture and Food na isinalita ni DA Chief of Staff and Assistant Secretary Rex C. Estoperez; at Honorable Senator Cynthia A. Villar, Chairperson, Philippine Senate Committee on Agriculture and Food, Agrarian Reform, Environment and Natural Resources.

Binigyang-diin sa programang ito ang pagkilala sa mga natatanging magsasaka at mangingisda. Sinundan naman ito ng mensahe mula sa representante ng mga magsasaka at ng mga mangingisda, bilang tugon sa pagdiriwang – G. Enrico T. Batungbacal, Representante ng mga Magsasaka; at Roberto “Ka Dodoy” A. Ballon, Representante ng mga Mangingisda.

Bago magtapos ang programa ay ipinakita ni DA Assistant Secretary for Operations Arnel V. De Mesa, ang paglunsad ng apat na bagong Proyekto ng Kagawaran ng Agrikultura.

Ang programa ay pormal na nagtapos sa mensahe mula kay DA Undersecretary for Administration and Finance, at Chairperson ng Farmers’ and Fisherfolk’s Month Celebration 2023 Agnes Catherine T. Miranda.