Inilunsad ng DA-Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM), sa pangunguna ng Compost production Implementation Team (CPIT), ang unang batch ng Training Course on Testing and Evaluation of Agricultural and Fisheries Machinery na magpapatiyak ng mas ligtas at mas epektibong operasyon sa mga sakahan. Ginanap ito noong ika–19 ng Mayo hanggang ika-23 taong 2025 sa Bausa Integrated Farm sa San Ildefonso, Bulacan.

Layon ng pagsasanay na palakasin ang teknikal na kakayahan ng mga Agricultural and Biosystems Engineers (ABEs) ng BSWM sa pagsusuri at ebalwasyon ng makinaryang pang-agrikultura at pangisdaan, batay sa Philippine National Standards (PNS) at Philippine Agricultural and Biosystems Engineering Standards (PABES). Sa ganitong paraan, masisiguro na ang mga makinaryang ginagamit ng ating mga magsasaka at mangingisda ay ligtas, maaasahan, at pasado sa performance testing.

Layunin din ng nasabing pagsasanay na magkaroon ng batayan ang mga proseso ng pagsusuri upang matiyak na ang mga binibiling makinarya ay tumutugon sa itinakdang kalidad at performance standards. Bahagi rin ng pagsasanay ang pagpapakilala sa mga kalahok sa nilalaman ng Department Circular (DC) No. 02, Series of 2023, gayundin ang iba pang kaugnay na polisiya na sumasaklaw sa pagsusuri at ebalwasyon ng mga makinaryang pang-agrikultura at pangisdaan. Bukod dito, layunin ng programa na makapagsanay ng mga bihasa at kwalipikadong test engineers na magiging katuwang sa pagpapanatili ng kalidad ng mga makinaryang ipinapamahagi ng pamahalaan.

Pinagtitibay ng inisyatibong ito ang ugnayan sa pagitan ng DA-BSWM, Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (BAFE), at Agricultural Machinery Testing and Evaluation Center (AMTEC), upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga inisyatiba para sa mekanisasyon sa sakahan at ang pagsunod sa mga pamantayang pambansa.

(Shaira J. Cabral, CPIT)

#DA #BSWM #MasaganangAgrikultura #MaunladNaEkonomiya #BagongPilipinas #ParaSaMasaganangBagongPilipinas #CPIT #OrganicAgriculture #Composting