Upang matiyak ang mas maagap, mahusay, at epektibong pagpapatupad ng Small Scale Irrigation Projects o SSIPs, nagsagawa ang DA-Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM) sa pangunguna ng Water Resources Management Division (WRMD) ang “FY 2025 Midyear Assessment on the Implementation of SSIPs under DA- Banner Programs” mula ika-16 ng Hunyo haggang ika-20, 2025 sa MO2 Westown Hotel, Iloilo City.
Nilalayon ng nasabing midyear assessment na suriin ang kasalukuyang lagay ng pagpapatupad ng mga SSIP, bumuo ng catch-up plans, talakayin ang mga naging hamon ng implementasyon, at maglatag ng mga estratehiya upang mas mapabilis at mapahusay ang serbisyo sa mga magsasaka at komunidad na nakikinabang sa mga proyektong patubig.
Ang limang araw na aktibidad ay nilahukan ng mga kinatawan mula sa mga miyembro ng DA Irrigation Cluster, kabilang ang DA Regional Field Offices (DA-RFOs) mula CAR, Region I hanggang CARAGA; DA National Rice Program; DA National Corn Program; DA National High Value Crops Development Program; DA National Organic Agriculture Program; DA Field Operations Service; Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (BAFE).
Mainit na tinanggap ni Engr. Moises Mana-ay, Hepe ng Regional Agricultural Engineering Division ng DA-RFO VI, ang mga kalahok ng workshop. Sa ngalan ni BSWM Director Gina Parde-Nilo, Ph.D., binigyang-inspirasyon ni Engr. Alberto E. De Guzman ang mga kalahok sa kanyang pambungad na mensahe. Sinundan ito ng presentasyon ng layunin at pangkalahatang kabuuan ng aktibidad mula kay Engr. Patrick Benson B. Espanto.
Sa pamamagitan ng ganitong pagsusuri, pinatitibay ng BSWM ang pananagutan, integridad, at kahusayan nito sa pagbibigay-serbisyo sa mga pangunahing stakeholder ng sektor ng agrikultura. Ang masinop at maagap na pagtutok sa SSIPs ay nagsisilbing tulay upang makamit ang mas produktibong ani, mas mataas na kita para sa mga magsasaka, at mas matatag na seguridad sa pagkain sa buong bansa.
(Nikko E. Tripulca, WRMD)
#DA #BSWM #MasaganangAgrikultura #MaunladNaEkonomiya #BagongPilipinas #ParaSaMasaganangBagongPilipinas
































