Mallig at Quezon, Isabela – Upang higit na mapalawak ang kaalaman sa Sustainable Land Management (SLM), nagbigay ng dalawang Specialized Enhancement Training ang DA – Bureau of Soils and Water Management (DA-BSWM) sa mga magsasaka sa Isabela noong Hunyo 16 hanggang 20, 2025. Sa pangunguna ng mga kawani ng Soil Conservation and Management Division (SCMD), ang nasabing pagsasanay ay nakatuon sa tamang pamamahala ng mga watershed at small water impounding projects (SWIP).
Katuwang ang Local Government Units (LGU) ng Mallig at Quezon, matagumpay na nilahukan ng mga magsasaka na kasapi sa Manano at Mangga Ubbog SWISA ang isinagawang pagsasanay. Ang mga kalahok ay nagmula sa bayan ng Mallig at Quezon kung saan isasagawa ang proyekto ng Watershed Management and Development sa mga Small Water Impounding Projects (SWIP). Naging pangunahing sentro ng talakayan ang iba’t ibang pamamaraan ng Sustainable Land Management (SLM). Tinalakay din nang detalyado ang mga isyu ukol sa pagkaagnas ng lupa o soil erosion, kung paano ito maiiwasan o masosolusyunan, at ang pagsasagawa ng contouring gamit ang A-frame at T-frame. Bukod pa rito, binigyang-diin sa usapan ang tamang pagpaplano ng mga lupain sa pagsasaka, ang wastong pagkolekta ng lupang ipapasuri, at ang maingat na pagtatala ng mga gastusin at gawain sa pagsasaka.
Bukod sa mga talakayan, nagkaroon din ng hands-on training ang mga magsasaka. Sa sesyon na ito, tinuruan sila kung paano bumuo at gumamit ng A-frame at T-frame para sa contour farming. Natutuhan din ng mga kalahok ang proseso ng soil sampling at ang pagbalangkas ng plano para sa kanilang lupang sasakahan, gamit ang mga bagong kaalaman sa SLM.
Sa pangunguna nina Director Gina P. Nilo, Ph.D. at Assistant Diretor Denise A. Solano, ang inisyatibong ito ay magbigay lakas sa mga local na magsasaka at pagbabahagi ng mahahalagang kaalaman at kasanayan tungo sa sustenableng agrikultura at tamang pangangalaga ng yamang lupa at tubig
(Engr. Jethro M. Miñano, PDO I; and Engr. Nico E. Villafuerte, PDO I; SCMD)#DA #BSWM #MasaganangAgrikultura #MaunladNaEkonomiya #BagongPilipinas #ParaSaMasaganangBagongPilipinas
























